hkpinoytv, hong kong news, pinoy tv, philippines news, ofw

Gamit ang FB Messenger, Humingi ng Saklolo ang OFW nang Manakawan ang kanyang Employer.

| August 17, 2017

OFW_Lantau_island_burglaryv2

Hindi inaasahan ni Genie Sacla ang natanggap na message mula sa kanyang kaibigan kahapon (16 August) bandang alas otso ng gabi.

Sabi ni Elizabeth Butay, mula sa Pangasinan, sa kanyang message kay Sacla sa FB, gamit ang kanilang lenguwahe na Ilocano,  na kailangan daw niya ng tulong at meron daw taong pumasok sa bahay ng kanyang employer ilang minuto lamang pagka-alis ng pamilya ng kanyang employer para magbakasyon sa Vietnam. Plano daw sana magpahinga ni Butay nang maramdaman ang kaluskos mula sa backdoor at naaninag nya na may taong umakyat sa 2nd-floor ng kanilang bahay. Kahit na kinakabahan si Butay,  dali-dali niyang kinuha ang kanyang cellphone at kumuha ng kutsilyo at  tumakbo sa kuwarto. Nagkulong ito sa kuwarto at gamit ang cellphone sinubukan niyang tumawag sa 999 at sa kapitbahay nila, pero parehong di ito maka-kontak kaya nag padala ito ng message kay Sacla upang humingi ng saklolo. Ang bahay ng employer ni Butay ay sa Lantau island.

Pagkatanggap ng mensahe kay Butay, agad naman tumawag si Sacla ng 999, na nakatira sa Hong Kong island. Ayon kay Sacla,  ang pulis na nakasagot daw sa kanya ay agad na inilipat ang kanyang tawag sa distrito ng Mui Wo. Binigay ni Sacla ang eksaktong address ni Butay sa Pulis na nasa  Cheung Sha, Lantau island.

Sa ulat ng Pulis na napanayam ng HKPinoyTV sa telepono, eksaktong 8:10 ng gabi naitala ang tawag ni Sacla upang ipaalam ang kalagayan ni Butay.

Eksakto din, makalipas lang ng 10-minuto matapos ang tawag ni Sacla sa Pulis, dumating ang mga ito  sa kinarorooan ni Butay.

Pero dahil di pa rin sigurado si Butay sa pagdating ng Pulis, hindi agad ito lumabas ng kuwarto.

Dahil hindi agad lumabas si Butay, tumawag ang Pulis kay Sacla upang sabihan umano si Butay na lumabas na ito. Kaya, agad naman na nag message ulit si Sacla sa kaibigan at sinabi na nakapalibot na ang mga Pulis sa kanilang bahay at safe na siyang lumabas.

Dahil sa message ni Sacla, naglakas loob na lumabas si Butay  at kahit na may takot pa rin ay  pinagbuksan ng pintuan ang mga Pulis. Pagkakita ng Pulis kay Butay, agad naman siyang kinalma at pinabitawan ang hawak na kutsilyo at doon na sinimulan ang paunang imbestigasyon ng mga pulis sa pangyayari.

Ayon sa panimulang inbestigasyon sa record ng pulis na nakuha ng HKPinoyTV, napag-alaman na dalawang relo ng employer ni Butay ang nakuha at di pa alam ang halaga ng mga nawalang pag-aari ng kanyang amo.

Napag-alaman din na nagtangka rin buksan ng magnanakaw ang katabing pintuan ng kanilang tinitirhan ngunit sa inbestigasyon ay wala namang nakuhang mga gamit dito.

Ang kaso ay tinawag na “burglary at attempted burglary” at nasa ilalim pa rin ng inbestigasyon ng district crime court ng Lantau Island ayon pa rin sa binigay na inpormasyon ng otoridad. Sa kasalukuyan, wala pa ding na-aresto sa naganap na nakawan, dagdag pa rin ng Pulis.

Matapos ang nagdaang pangyayari, hindi daw malilimutan ni Sacla at Butay ang naganap pero dahil sa kanilang pagiging magkaibigan sa facebook at sa gamit ng messenger nagkaroon sila ng paraan ng kumunikasyon upang mai-ulat ang naganap na insidente.

Para kay Butay, isang pasasalamat ang kanyang pina-abot sa kanyang kaibigan, kay Sacla, at lalu na daw sa Facebook at messenger nito. Dahil sa messenger agad na napa-abot niya sa kanyang “fb friend” ang kanyang kalagayan na agad naman na humingi ng tulong sa pulis.

Tags:

Category: Community

Comments are closed.

HKPinoyTV Menu
Menu